Paano ba ako napasok sa pagiging isang transcription editor? Di ko naman pinangarap 'to dahil nung bata ako e wala pa yatang ganito sa Pilipinas. Nung bata ako, ang gusto ko, maging kundoktor. Hindi yung kundoktor na me hawak na patpat na kumukumpas-kumpas sa harap ng orchestra kundi yung kundoktor na kumukuha ng pamasahe. Dati kasi, sa La Union, yung mga jeep dun, me kundoktor. Lagi ko silang nakikita na may nakaipit na maraming pera sa mga daliri nila kaya naisip ko, gusto ko rin maging kundoktor. Syempre, pinangarap ko din dati na maging duktor, scientist, astronaut at pari (ha ha ha pari).
Mahilig akong magbasa ng komiks simula nung bata pa. Funny Komiks ata yung pinaka-una kong binasa (Superdog! Niknok! Combatron!). Nagustuhan ko din yung Bata Batuta, Action Komiks, Kick Fighter - mga characters dito panay based sa Street Fighter video game - at Kidlat. Meron pa ngang komiks based sa mga WWE wrestlers.
Nung high school, na-expose ako sa American comics. Jim Lee at Whilce Portacio. Ang gagaleng! Pucha, gusto ko nang maging comic book artist. Kaso di naman ako magaling magdrowing. Mahilig lang.
Nung college, com sci ang una kong choice, pero wala daw board yun sabi ng parents, walang lisensya. Di class. Kaya ECE na lang kinuha ko kahit na di ko naman talaga alam kung ano ginagawa ng ECE. Basta maganda pakinggan saka me board exam.
Habang nasa college ako, dumating yung time na nagkagipit-gipit kami. Naisip ko mag-part time. Pumasok akong waiter sa isang bar sa Libis. Lintek, nanawa ako sa mga hiphop na kanta. Dishwasher lang muna ako dun nung una kaso nung dumating na yung holiday, maraming tao, isinabak na nila ako sa pagwe-waiter. At dun ko na-realize ang katotohanan
na di ko kayang i-balance ang tray sa isang kamay.
Masyado sigurong payat ang mga daliri ko. Nag-resign ako pagkatapos ng tatlong araw.
Naisip kong humanap ng raket na malapit sa puso ko. Sinubukan kong gumawa ng comic strip. Tungkol sa mga boarders. Gumawa ako ng mga sample tapos pinadala ko ke Pol Medina Jr (Pugad Baboy) at Jess Abrera (Pinoy Nga) ng Inquirer, ke Roni Santiago ng Manila Bulletin, sa Malaya, sa Philippine Star. Me pinuntahan pa akong broadsheet sa Makati, pagdating ko sa office nila, business newspaper na lang pala sila. Palugi na.
Nagpadala din ako ng proposal sa GMA 7 para sa isang episode ng Kakaba-kaba Ka Ba. Ke Wilma Galvante ko ipinadala kasi di ko naman alam kung paano at kanino magsa-submit ng proposal.
Wala akong natanggap na balita tungkol sa mga pinadala ko. Pero ayos lang dahil me napala naman ako dun sa oras na ibinuhos ko sa paggawa ng strip kasi nabalitaan ko na me comedy writing workshop ang ABS CBN with Jose Javier Reyes. Ginamit ko yung mga jokes ko sa strip, nirecycle at yun ang isinubmit kong application.
Nung pumunta ako sa ABS para mag-submit, sa ibang gate ako napunta e sa kabila pala dapat yung para sa TV. Malay ko ba. Anyways, yung gate na napuntahan ko, me nakapaskil na screenwriting workshop ng Star Cinema. Kumuha ako ng form tapos ipinasa ko na yung application para sa comedy writing ng ABS dun sa kabilang gate.
Para sa application ko sa scriptwriting workshop, ni-recycle ko yung lumang proposal ko para sa Kakaba-kaba Ka Ba, ginawa kong medyo pampelikula tapos yun ang isinubmit ko.
Tumawag ang ABS, pumasa daw ako para sa first interview. Panel. Si Direk Joey Reyes, Mr M saka isang babae na di ko kilala. Nung interview na, tinanong ako ni Direk Joey kung sino para sakin ang overrated na comedian. Sabi ko si Bayani (sikat pa siya nun). Nanlaki mga mata ni Direk Joey, "Di mo gusto si Bayani?" Ngii, takot ako. Pero sa totoo lang, wala pa sa kalahati ni Michael V si Bayani. Magaling pa nga si Redford dun e.
Naramdaman ko na na di ako matatawag for second interview tapos wala ding tawag ang Star tungkol sa scriptwriting workshop kaya nag-apply akong encoder. Subcon ata ng gobyerno, para sa NSO siguro yun. Minimum lang bayad. Pasado naman, highest pa nga sa exam. Umattend ako ng orientation, start na daw Saturday.
Tapos tumawag ang Star - interview sa Sabado.
Encoder o interview? Encoder o interview? Encoder o interview?
Interview.
Pumunta ako. Si Raymond Lee at si Ms Amor ang nag-interview. Sila din magco-conduct ng workshop. 20 daw kukunin nilang workshoppers. Di ako umasa na matatanggap ako, pang Kakaba-kaba ba naman yung storyline ko. Pero pagkatapos ng ilang araw, tinawagan nila ako. Tanggap! Ayaw aminin sakin ni Ms Amor pero feeling ko 21 kaming nag-apply, tapos nagbackout yung pang 20 kaya yun, nakasingit.
Pagtapos ng workshop, nag-apply akong brainstormer sa Star. Syempre, dahil nakapag-workshop ako sa kanila, akala nila me mapipiga sila sakin. Kaso, pagtapos ng isang taon na pagiging brainstormer, wala silang nakuha. Storm? Kahit ambon wala e. At dahil dun, di na ako na-renew para sa susunod na taon.
Tapos ng stint sa Star, nag-apply at natanggap ako sa workshop ni Jun Lana. Nung mabasa niya yung isang eksena na sinulat ko, tinawag nya akong the next Joey Reyes -_-
Dumating yung time na narealize ko na kelangan kumain ng family namin. Kung pede sanang diligan na lang kami saka paarawan parang mga halaman. Narealize ko, kelangan ko nang humanap ng tunay na trabaho. Tumingin ako sa Manila Bulletin (ang classifieds na me kasamang news), Inquirer (paborito ko silang dyaryo pero ala silang kwenta pagdating sa classifieds), JobsDB, Josbtreet at BestJobs.
Sa BestJobs ko nakita yung post na naghahanap ng entertainment transcriptionist. Sabi sa ad, "Do you enjoy watching movies and tv shows that are not shown in the Philippines?" Hmm, pano ko mapapanood yun, e wala nga sa Pinas. Pero sige, Yes! "Do you enjoy going out and having fun?" Hmm, ano kinalaman nun sa transcription. Pero sige, Yes again! "Can you work with minimum supervision blah blah blah." Panay yes sagot ko sa mga tanong kaya naisip ko, pede sakin to. Pede akong maging transcriptionist.
Nag-apply ako at nakapasa. Pero sa general transcription ako nalagay. Nagtyaga ako sa barya baryang sweldo, tinganggap ko lahat ng overtime na dumating, ginalingan ko kahit sobrang boring ng trabaho (wala kang makikitang "Bruce Lee waiter" - na dapat e previously waiter - o kung ano pang weird misheards). Kaya naman nung nagkaroon ng opening for editor para sa bagong account nag-apply at natanggap ako.
And here I am.
bitin. gusto ko pa.
ReplyDeleteastig na pangarap yung konduktor! at least nakakapasyal ka kung saan saan. =D
ReplyDeleteHehehe!
ReplyDeletePang Maala-ala Mo Kaya..
I submit ko kay Tita Charo!
Yung pagiging pari mo...
sa Wish ko Lang :)